Friday, September 29, 2006

waaaah! nasira ang skedyul ko. ang ganda-ganda pa naman ng plano ko ngayong araw. may TA class ako kaninang umaga, nagkita kami ng isang pinoy exchange student pagkatapos umuwi ako. nagpahinga ng konti bago bumalik sa skul sa pag-aakalang may klase ako ng magkasunod na period, 5th (4:20-5:50) at 6th (6:00-7:30). pagkatapos dapat ng klase ay uuwi na ako sa bahay at aayusin ang aking mga gagamitin para sa poster session namin (dahil graduating) para bukas ng tanghali, sa first shift ng colloqium ay ididikit ko na lang ang kasalukuyang resulta ng aking pag-aaral. but no! kailangang pumalya ang skedyul dahil imbes na 6th period ay 7th period pa pala yung isa kong klase, mula 7:40-9:10. kaya ngayon naghihintay lang ako. hindi ko maasikaso yung poster presentation ko dahil iniwan ko na lahat sa bahay kanina. bopols!

***********************

kumuha ako ng isang klase na tinuturo ng aking thesis adviser. tungkol sa pagkukumpara ng wikang ingles at hapon. anti-chomsky sya. sigurado akong marami akong matutunan. at kras ko siya. hehehe.

**********************

kailangan kong magyosi. hay...

Thursday, September 28, 2006

Photobucket - Video and Image HostingIsang araw umupo ako sa ilalim ng maple tree. Habang humihithit ako ng yosi, napatingin ako sa itaas at nakita na may mga tatlong dahong namumula na. Maaga pa para mamula. Kung ikukumpara sa tao, maaga silang nagdalaga (o nagbinata). Samantalang ang mga kasama nila, ineenjoy pa ang pagiging green. Napaisip ako at naikumpara ito sa tao. Paano kung sa isang grupo, may mga taong mas mabilis na magmature kesa sa iba? Mas mabilis na umabot sa susunod na baitang ng buhay? Maganda ba na nauna silang naka-experience ng mga bagong bagay? O malungkot ba dahil nauna sila habang ang iba ay sabay-sabay na mararamdaman ang mga pagbabago?


Photobucket - Video and Image HostingHabang iniisip ko ito, napatingin ako sa ibaba at iba naman ang nakita ko. Mga nalagas ng dahon ng maple. Kulay berde pa. Ito siguro ang pinakamalungkot. Yung hindi na binigyan ng pagkakataon ng inang kalikasan na maramdaman ang susunod na yugto ng kanyang buhay bilang isang dahon. Hindi na niya mararamdaman ang kanyang pag-mature. Hindi na siya titingalain ng mga tao at hahangaan dahil sa ganda ng kanyang angkin. Matutuyo na lang siya. Hindi na niya mararanasan ang buong cylce ng isang maple leaf.

****************
(Yung unang larawan ay hindi larawan ng maple. Malabo kasi yung kuha ko kaya yan na lang ang pinili ko.)

Tuesday, September 26, 2006

simula na naman ng bago tsapter ng aking buhay. simula ng huling semester ko dito sa aking paaralan. simula para matapos na ang resulta ng mahigit dalawang taon kong pamamalagi dito.

*************

its autumn! its autum! ito ang pinakapaborito kong panahon. malamig na ang gabi. mahirap ng gumising sa umaga. sumasayaw ang mga dahon sa hangin bago sila tuluyang bumagsak sa lupa. namumula na ang ibang mga dahon. kaysarap tumambay sa ilalim ng puno kasama ng kaibigang nagpapalipas ng oras. mas masarap kung ang iyong mahal ang nasa iyong tabi, ramdam ang init ng kanyang katawan habang dumadampi sa iyong mukha ang lamig ng hangin.

(hindi ko na ito itutuloy)

Thursday, September 21, 2006

para kay ate melai:
http://www.youtube.com/watch?v=NudkxhcAx3E
tapos lalabas na rin yung ibang parts =) enjoy. fan ka ba ni claudine?
(hindi ko makita yung sinasabi mong something sa baba ng sidebar =( )
****************
syemay. nakakaiyak ang pelikulang Dubai. ubos tissue ko. maraming salamat sa nag-upload sa youtube.

"Eh ganyan talaga ang kapalaran natin. Ang magsilbi para sa mga foreigners dito at magsilbi sa mga pamilya natin sa Pilipinas." -- Basil (played by Michael de Mesa)

Photobucket - Video and Image HostingSa isang linggo, bago na ang prime minister ng Japan. Kahapon nanalo si Shinzo Abe bilang presidente ng Liberal Democratic Party, ang ruling party. Siya unang magiging prime minister na ipinanganak pagkatapos ng WW2. At dahil dito inaasahan na magkakaroon ng malalaking pagbabago sa pulitika ng japan. Inaasahan na magkakaroon ng bagong reporma. At isa sa mga prioridad ay ang pagbabago ng konstitusyon nila at pagrereporma ng edukasyon. May mga planong palakasin ang ties ng Japan sa ibang bansa sa Asia. Medyo napabayaan daw kasi ito nang maging matatag ang relasyon nito sa US.
Tingnan na lang natin kung ano ang magiging plataporma niya at siyempre kung magiging maganda ang mga ito sa pinas.

Tuesday, September 19, 2006

parang ang tagal kong hindi nag-a-update pero kung titingnan ang date ng huling entry ko, hindi naman pala 48 years ago nang huli akong magsulat dito sa blog.
sa isang linggo pa magsisimula ang pangalawang semestre (huling semestre ko). pero halos araw-araw na akong nandito sa university para magbasa, mag-analays ng data (100times ko na yatang binabasa yung comic strips para sa thesis at hindi na ako natatawa, naiinis na), at para makaiwas sa sitwasyon sa bahay.
sa huling sabado ng buwang ito, magkakaroon kami ng poster session. nakipagkita na ako sa aking adviser para ipaalam kung anong content ng aking presentation. sa susunod na linggo, may consulatation na naman kami para makita niya yung final draft ng aking poster. huwag lang akong magcram, hindi ako magpapanic at magiging maayos ang aking poster.

***********************

espesyal ang araw na ito. may pinagdiriwang ako.
pitong taon na ang nakakaraan (gash, ang lola ko na!). araw ng linggo noon, gumising ako ng maaga para sumama sa tugtog ng kinabibilangan kong performing group. pupukpok ako ng agong simula alas-siyete ng umaga, banda yata sa taft, para i-cheer ang mga estudyanteng kukuha ng board exam.
kahit maaga ako dapat magising, hindi naman ako maagang natulog. may tinapos akong sulat. dalawa o tatlong pirasong yellow pad paper, back to back. doon ko binuhos ang lahat ng aking nararamdaman. mga simpleng bagay na naiisip ko, at mga kumplikasyon nito dahil sa mga taong apektado at maaaring maapektuhan. nilagay ko iyon sa aking bag. hindi pa ako desidido kung dapat ba itong ibigay.
nang matapos ang aming gig, hinatid niya ako. mula taft hanggang sangandaan. at mula sangandaan, uuwi naman siya sa paco. bago siya sumakay ng jeep, binigay ko ang papel. walang inaasahan. para lang malinaw ang mga bagay sa pagitan naming dalawa. at para naman hindi sayang yung papel at tinta ng bolpen na naubos. sabi ko basahin niya kapag nakarating na siya sa bahay nila.

**********************

isang buwan pa ang lilipas bago naging kami (at kung paano, sa isang buwan na rin ang kuwento).

**********************

kung gusto niyong makilala kung sino ang pinakaTYOPENG tao na nakilala ko, eto, pasyalan niyo ang tambayan niya. at mag-iwan kayo ng message na maswerte siya at napansin ko siya.

Friday, September 15, 2006

katatapos lang isang segment sa talk show na pinapanood. isang topic nila ay tungkol na naman sa pagiging mababa ng birth rate ng japan. may mga guest na nagbibigay ng paraan para magcope-up sa future na sitwasyon nila kapag patuloy na hindi tataas ang birth rate. kapag nagpatuloy daw kasi mabubura na ang lahing hapon sa mundo pagdating ng taong 2300.

ang isang inoffer na opinyon na isang guest (ekonomista yata) ay kailangang mag-aral na ang mga hapon ng tagalog. syempre na-peak ang interes ko at bigla akong napabangon dahil sa narinig ko (sa kahit anong topic na nababanggit ang pinas).

ang rason: dahil puro matatanda ang hapon, kinakailangan nila ng mag-aalaga. at syempre hindi na naman kayang alagaan ng isang matanda ang kapwa matanda, di ba? kaya naman kakailanganin nila ng mga foreigners para maging nurses, caregivers, para may mag-alaga sila. at doon papasok sa eksena ang pinoy. dahil ang mga pinoy ang mag-aalaga sa kanila, kakailanganin nilang matuto ng tagalog. nabanggit din na magiging mabuting tagapag-alaga ang mga pinoy dahil sa ating relihiyon. bilang mga kristyano, na paniniwala natin na kailangang alagaan ang mga matatanda. magandang punto. nagulat ako dahil biglang nagsalita ang host (na sikat na sikat, parang dolphy ang status) ng "magandan hapon po". bigla pumasok lang sa isip ko na siguro nakapasok ang artistang ito sa isang bar at naturuan ng mga pinoy na entertainer.

kakaibang view ito. dahil sa kasalukuyan, ang mga nagnanais na magtrabaho dito ay kinakailangang mag-aral ng japanese. para siguradong magkakaintindihan sila ng mga amo nila. (sa totoo lang, ang mga alam kong language program na ikinakabit sa care-giving program ay hindi sapat para maging handa ang isang pinoy na makipag-usap sa isang hapon. mahirap itong aralin. hindi ito namamaster sa maigsing panahon. bukod pa yan sa mga technical terms tulad ng gamot, sakit, etc.) baka mas makatulong nga kung mag-aaral ang hapon ng tagalog at ang pinoy ng hapon.

isang maganda oportunidad na naman ito para sa mga pinoy na nagnanais (o nangangailangan)
mangibang bansa para matustusan ang pangangailangan ng pamilya (noong isang araw lang, nagkaroon ng pirmahan sa pagitan ng pinas at japan na pinapayagaan ang pagtanggap ng 1000 nurses/caregivers na pinoy upang makapagtrabaho sa japan). isang sampla din, kung tutuusin, dahil kung lahat ng may kapabilidad na mag-alaga ay matutuksong mangibang bansa, sino naman mag-aalaga sa mga matatanda natin?

Monday, September 11, 2006

Photobucket - Video and Image Hostinglimang taon na ang nakalilipas. nasa kobe ako noon. exchange student. hindi na masyadong bata pero walang alam (pwede ring walang pakialam) sa mga nangyayari sa paligid hangga't hindi direktang makakaapekto sa akin.

nasa bahay ako ng administrator ng aming apartment. nakalibre yata ako ng dinner nun at nagpalipas oras muna para makipagkwentuhan. binuksan ang tv at dun ko nakita na may eroplanong bumunggo sa isa sa twin towers sa new york. aksidente, ang una kong naisip. hindi ako masyadong nagambala at patuloy pa rin ang pakikipagkwentuhan.

umuwi ako at binuksan ang tv. ayun pa rin ang pinapakita. nasusunog ang twin towers. at pinapakita kung paano ito nangyari. sa limited kong kaalaman sa japanese, nalaman ko na hindi ito aksidente. wala akong ibang magawa dahil tv lang ang meron ako nun. wala akong cable at ang report ay nasa wikang hapon. wala akong access sa internet kaya hindi ko malaman talaga kung ano ba talaga ang nangyayari.

habang nanonood ako, biglang kumalabog ang aking pinto. binuksan ko ito at nandun sa aking pintuan ang isang malaking taong nakatira sa 2nd floor ng apartment namin. amerikano sya, humihingal habang tinatanong kung ano bang nangyayari. tulad ko, wala siyang cable at hindi malaman kung ano ang nangyayari. sa abot ng aking makakaya ng panahong yun, pinaliwanag ko kung anong naiintindihan ko. nagpanic siya, di malaman ang gagawin. bumalik na lang siya sa kanyang kwarto.

limang taon. parang ang tagal na. malayo na sa aking alaala ang mga eksaktong detalye. pero sa kasalukuyan, nararamdaman natin ang resulta ng pangyayaring iyon.

sabi ng amerika "we will never forget". ang daming interpretasyon. sana nga ang hindi nila makalimutan ay mga taong walang malay, tahimik na nabubuhay, na sa isang iglap ay pinagkaitan na ng pagkakataon para lasapin ang sarap at pait ng pamumuhay sa mundo.

Friday, September 08, 2006

Nung simula ng taon, medyo buo na ang loob ko na umuwi sa pinas pagkatapos ng program ko dito. Naramdaman ko na sapat na sa akin ang dalawa't kalahating taon na pag-aaral dito sa Japan. At kailangan ng umuwi para makapagsimula ng panibagong tsapter ng buhay. May balak pa rin naman akong mag-aral pero hindi na dito. Sa ibang lugar naman, at ito rin ang payo ng aking departamento.

Pero bago ako nagbakasyon may nabisita akong website ng isang Japanese university na may program na medyo napukaw ang aking interes. Maaari akong mag-apply para ituloy na ang pag-aaral ko dito pagkatapos ng current program ko na matatapos sa March.

Para makapagpatuloy, kailangang humingi ng extension ng program (read:allowance), siguro para sa susunod na tatlong taon. Mahal kasi ang tuition fee at cost of living dito kaya lahat ng Pinoy na nag-aaral ay sinusuportahan ng iba't-ibang scholarship program. May mga kakilala ako na katulad ng sa program ko na nakapag-extend. Kaya naman, medyo kampante ako na pwede rin akong magtagal pa dito.

Mali ang akala ko. Tinanong ko sa international office kung ano ang gagawin para makapag-extend. Wala pala akong karapatan. May maliit na pagkakaiba sa akin at sa ibang scholars dito. Sila kasi ay sa Japan embassy nag-apply. At ako naman ay recommended ng university ko. Iisa lang ang nagbibigay sa amin ng baon, pero ang nagbabayad ng tuition fee ko ay ang host university ko dito. At wala silang budget para sa mga taong gustong magpursue pa ng higher studies. Medyo nanlumo ako. Wala na pala akong pagkakataon.

Para makabawi na lang sa kanila, hindi ko binigay ang pasalubong ko para sa international office. Hindi nila matitikman ang sarap ng Goldilocks polvoron. Buti nga sa kanila.

Thursday, September 07, 2006

Photobucket - Video and Image Hosting
Paglubog ng Araw
Sept 1, 2006
Sa ibabaw ng ulap
sa pagitan ng
Manila at Japan

Wednesday, September 06, 2006

May bagong sanggol na ang Imperial Family ng Japan. Pagkalipas ng mahigit 40 na taon, may sanggol na lalaki (wala pang pangalan hanggang ngayon). Nanganak kaninang umaga si Princess Kiko na asawa ni Prince Akishino na siyang second-in -line para maging emperor. Yung first-in-line ay si Crown Prince Naruhito na asawa naman ni Princess Masako at may anak silang babae si Aiko. Ibig sabihin, 3rd-in-line ang kapapanganak na lalaking sanggol. Nagdidiwang na naman buong Japan. Feeling ko lang mas hyper ang mga tao noong nanganak si Masako-sama, 4 yrs ago. Para kasing mas mahal ng tao o kaya mas visible si Masako-sama, parang Princess Diana baga.

At dahil sa lalaki nga ang anak ng pangalawang anak na lalaki ng Emperor (nakakalito ba?), medyo tahimik ang debate kung papalitan ba nila ang kanilang batas para papayagang babae ang susunod na tagapagmana ng trono. May tagapagmana na kasing lalaki eh. (Pero may mga babae na rin na nagmana ng trono.) Mapoprotektahan nila ang mahabang tradisyon. At sa alam ko sa kulturang Hapon, talaga naman hanggat maaari ay gusto nilang mapanatili ang kanilang kinagisnang tradisyon. (Obserbasyon ko lang na mahirap silang mag-adapt sa pagbabago.)

Tulad na lang ng pagpapanatili ng Imperial Family. Palagi kong tinatanong sa aking mga sensei kung ano ang role nila sa Japanese society. Status symbol lang daw. Hindi sila nakikialam sa politika. Hindi nga yata sila bumuboto, wala silang apelyido. Hay naku, ang tradisyon nga naman, maaring makapagpalaya, pero mas madalas na nakakapagpakulong.

Monday, September 04, 2006

isang buwan sa pilipinas. parang walang pinagbago. o mas mabuti sigurong sabihing, walang magandang pinagbago. mas maraming nagrereklamo sa hirap ng buhay, sa taas ng bilihin. mas maraming nagugutom. mas maraming batang nasa lansangan.

nakakalungkot talagang isipin na sa bansang kinalakihan at minamahal ay patuloy ang pagdami ng taong gustong kumalawa. taong gustong maranasan ang konting ginhawa sa buhay. gustong maramdaman kung paano magtrabaho at malasap ang bunga ng pinagpaguran.

ano nga ba ang pakiramdam nang magtrabaho ng parang kabayo? matapos mapagod ng katawan ay utak naman ang mawiwindang kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kinita.

natatakot na ako sa nalalapit kong pag-uwi sa bansa at pagsisimula ng bagong buhay.

Friday, September 01, 2006

isang pagpaparamdam para ipaalam na ako'y wala na naman sa piling ng pamilya at kaibigan sa pinas...

isang buwan akong absent sa pagbabasa ng mga kwento ng buhay niyo.

kaya ang gagawin ko sa weekend ay mag-iimpake at magpapaka-update sa happening sa blogging world...

welkam bak to me.

ibalik niyo na lang kaya ako sa pinas?

blogger templates | Make Money Online