Monday, October 30, 2006

si paeng sinasalanta ang luzon. signal 3 sa pangasinan. sana naman ok lang ang mga biik ni inay.

*********************

naisip ko na naman yung abo ng sigarilyo. kapag nililipad pala ito ng hangin, mayroong lilipad ng mas mataas, mayroong namang simula pa lang unti-unti nang bumababa. nakadepende ang direksyon nila sa ihip ng hangin. maaaring ang mga akala nating babagsak na e bigla na lang ililipad ng hangin, pataas, sa ibang direksyon. at akala nating magtatagal sa itaas ay bubulusok pababa. basta, sabi nga ni lojik, lahat tayo magiging abo. lahat ay babagsak. kahit gaano katagal sa itaas, kahit gaano kagaling sumabay sa hangin, baba din yan. tatama sa lupa. at matatapakan.

Friday, October 27, 2006

ANG SAYA-SAYA!
MAGPAKASAYA!
high yata ako.
ganda kasi ng gising ko,
at nagbatian kami ni Apong Araw.
karirin ang araw na ito.
hafi friday!
hehehe. wala lang akong maiblog pa.

Wednesday, October 25, 2006

pagtaktak ng yosi mula sa balcony para malaglag ang abo, hindi ito agad na bumagsak. sumayaw muna ito kasabay ng ihip ng hangin. walang pakialam kung saan ito mapapadpad. sa huli, bababa din ito at didikit sa lupa. kung saan ay walang makakabatid. kung gaano kalayo mula sa pinanggalingan ay walang makakaalam.

gusto kong maranasang maging parang abo ng sigarilyo.

Monday, October 23, 2006

sa january 30 o 31 2007 ang pasahan ng aming final research paper, aka thesis. ibig sabihin, meron akong dalawang linggo ng oktubre, apat na linggo ng nobyembre. ganun din sa disyembre at enero. ibig sabihin ulit, labing-apat na linggo o siyamnapu't walong araw para matapos ang rekwayrment na ito at para makauwi akong may degree. ha! at ano na ang nagawa ko? iba't-ibang seksyon ng aking papel. ni wala pang deskripsyon. ha! progress ba itong matatawag?

**********************

natakot ako kaninang umaga kasi dalawang beses akong nasuka na laway lang naman pero maasim, sabay nahilo at nanlamig (parang yung nararamdaman ko (pati siguro ikaw) kung kailangan mo nang umupo sa trono pero aabutin ka 3 minuto bago makarating dito) at nagkaroon ng pressure sa tenga na parang mula sa malalayong lugar ang mga tunog na naririnig.

ngayon, mabuti na naman ang pakiramdam ko. nangangasim lang ang sikmura at parang may hinahanap na lasang hindi ko mawari. naku hindi ko na uulitin ang ginawa kong pagyosi kaninang umaga na kape palang ang pinapasok sa katawan.

Thursday, October 19, 2006

how to celebrate seven years of being together (the long distance relationship way)

  • you wait for him online and you talk about your day, his day, usual stuff.
  • you talk about problems, your problems, his problems, country's problemssss.
  • you ask how things will be when you go home.
  • ask what's keeping the two of you from jumping to the next level of your relasyon.
  • you get answers, a lot of it.
  • you realize you've been chatting for two hours.
  • he greets you happy anniversary first because of one hour time difference.
  • you wait for another hour so that you can greet him.
  • he begs to sleep, needs energy for tomorrow's work.
  • you bargain for another hour. he says OK but then you realize he really needs to sleep for tomorrow's work.
  • you prepare to sleep. the clock strikes 1am, its 12am in pinas.
  • your phone rings. him calling to greet you one more time.
  • you feel happy at the sound of his voice. and you realize you ARE happy.
  • you sleep, wake up then check your mail. he's also checking his gmail account and before you start anything, you chat some more. (wala munang mumog, kape, ihi)
  • you go to school. you think about the number 7. lucky seven. 7-year itch. too long for some, too short for us.
  • you want to go out and celebrate, probably ask your roommate to have a drink (she's also having ldr) but decided against it.
  • he will call. you will call. then another 2-3 hours of chatting.
  • you can't see him today, you can't kiss him, hold his hand. eat together somewhere nice. but still you are happy because you have made the most of what you have right now.
  • seven is indeed a lucky number. but you are luckier. and he is the luckiest.

Wednesday, October 18, 2006

wala akong future sa pagiging sales person o kahit anong klaseng trabaho na kailangang mag-alok ng bagay-bagay, papel-papel, etc.

tinawagan ako kagabi ng office na nagbibigay sa akin ng paminsan-minsang translation job. kailangan daw nila ng titser ng ingles. may sinabing hindi ko masyadong maintindihan, basta pumunta lang ako ng mas maaga bago yung lessong proper. umoo naman ako.

yung hindi ko masyadong maintindihan, nagets ko na kanina. ginawa ko pa! bago magturo, kinailangang magbigay ng flyers sa mga tao para madagdagan ang estudyante. at dahil nandun na ako, at naka-oo na, wala akong nagawa.

binigyan ako ng mga flyers, pumwesto, pinraktis ang mga sasabihin. sa 20 piraso, isa lang, oo ISA lang ang napamigay ko. todo ngiti na ako, ang pleasant ko pa, at talaga namang bukal sa loob ko ang pag-aanyaya. pero, wa epeks.

nabawi naman yun dahil pagkatapos ng pamimigay ng papel, nagturo na ako. dalawang estudyante, mga nanay na, at isang staff. madali lang. sisiw.

matagal na akong di nakapagturo. kahit sandali lang yung stint ko kanina, enjoy ako. at alam kong enjoy yung mga tinuruan ko. at alam ko rin na may natutunan sila. at alam kong para talaga ako sa bokasyong ito.

Tuesday, October 17, 2006

napanood niyo na ba ang pelikulang Magnifico?

kung hindi pa, at wala kayong vcd, puntahan niyo na lang ito.

magnificent.

Thursday, October 12, 2006

pumunta ako kahapon sa lugar na ayaw ko sanang puntahan habang nandito ako at malayo kay nanay. sa ospital.

dito ako tumambay kahapon. isang oras na tambay lang naman pero nalintikan pa rin ang wallet ko.

nakakagat ko kasi ang pisngi ko sa loob (sigurado akong nangyari na din ito sa inyo). nagsugat at nagnana. at dahil hindi na masaya na may sugat ako kasi hindi ako makakain ng maayos at makahikab ng malaki, naggive-in na rin ako at dumaan na sa malapit na clinic.

ayun, sa aking pag-upo, pinanganga ako ng doctor. sinabing may inflammation, may ipinahid saka sinabing tapos na. pagdating ko sa cashier, ito ang binigay sa akin:


at para naman sa niresetang gamot na pampahid at pangmumog, eto naman ang lumabas sa wallet ko:

hay naku. hirap talaga magkasakit. sana lang gumaling na ang sugat para makakain na ako sa eat-all-you-can na barbeque.

Monday, October 09, 2006

tatlong araw ang nakakaraan, ipinagdiwang ko ang pangalawang taon ko dito sa japan. well, hindi ko pala pinagdiwang dahil wala naman akong ginawang espesyal. maliban na lang kung espesyal na para sa akin ang pagkain sa restaurant ng napolitan spaghetti at ceasar's salad.

dalawang taon dito sa bayan ng makabagong teknolohiya. dalawang taon sa bayang maunlad. dalawang taon sa lugar na nakikita na ang lahat ng paghihirap ng isang tao ay natutumbasan ng karampatang gantimpala. dalawang taong nakikisalamuha sa mga hapon na seryoso, may drive sa buhay, matiyaga, weird ang sense of humor (pero madalas kong nakukuha), at may malaking pagpapahalaga sa oras, sa tradisyon, sa kanilang nakaraan, at sa kanilang hinaharap.

hindi mahirap mahalin ang bayang ito. kampante ka na kapag ikaw ay nagsikap, uunlad ka. sa pagtatrabaho mo ay makakabili ka ng bagay na kailangan mo, at madalas ay pati bagay na gusto mo. in general, mabait ang mga tao dito. may mga taong mahirap pakisamahan, mahirap ma-gets, pero kahit saan naman, kahit kalahi mo pa nga e, may mga ganyan talagang tao.

pero sa dalawang taon ko dito, may naramdaman akong kulang. bukod ito sa pamilya at mga kaibigang naiwan sa pinas. at kung ano ang kakulangang ito ay wala pa rin akong sagot. kung ang kapalit sa pagkaunawa ng kasagutan ay pagtagal pa dito, baka mas mabuting hindi ko na lang malaman.

Friday, October 06, 2006

katatapos lang ng klase namin, ang professor ay si adviser na kras ko na may MA sa Law at PhD sa Linguistics. sabay-sabay kaming bumaba ng building pagkatapos ng mahabang kwentuhan. tapos naghiwa-hiwalay na kami. tapos nakita ko ulit... naglalakad pauwi na sa office niya. bitbit ang kanyang briefcase at payong. at mula sa likod, napagmasdan ko kung paano siya maglakad...

may kembot

y oh y oh y oh y?!

Thursday, October 05, 2006

ang pinakaayaw kong nararamdaman ay ang pagsisisi. pero ito ang nararamdaman ko ngayon.

nangyari na ba sa inyo na alam niyo na ang dapat niyong gawin pero hindi niyo pa rin ito ginawa? alam mo na ang magiging resulta ng iyong non-action pero hindi mo pa rin ginawa ang nararapat. at sa huli, wala kang ibang sisisihin kundi ang iyong sarili.

katulad ng nangyayari ngayon sa akin. naglaba ako tatlong araw na ang nakakaraan, pagkatapos ng maulan na weekend. tuyo na dapat ang mga sinampay ko kahapon. bago ako umalis, sinabi sa akin ni roommate na 40% ang tsansa ng pag-ulan. tiningnan ko ang weather report din at yun din ang nabasa ko. mataas na porsiyento na iyon. naisip ko nang ipasok ang aking mga damit. pero umalis ako ng bahay ng di iyon ginagawa. bakit? maaraw kasi ng umalis ako.

pero umulan. at hinayaan ko lang mabasa ang mga damit. kung makakapagsalita lang siguro ang mga sinampay ko, iisa lang ang sasabihin nila: "dapat ipinasok mo na kami sa bahay para hindi na kami nabasa". at ngayon umuulan pa rin at nasa balcony pa rin ang mga damit. hinahayaan ko na lang silang mabasa.

may kontrol sana ako kahapon, pero hindi ko iyon sinamantala.

at ako'y nagsisisi.

Tuesday, October 03, 2006

natutuwa talaga ako kapag may nagpasa ng tag sa akin. kasi, ibig sabihin sa lawak ng cyber space ay may nakakaalala sa iyo. ang sarap ng feeling. salamat ate melai at naalala mo ako. sa totoo lang, sana mabigyan ako ng pagkakataon na makilala ka.

*********************

tamang-tama din ang tag na ito. madalas na naman kasi akong maglakad at tuwing ginagawa ko ito ay palaging laman ng bag ko ang ipodyosa. mahigit dalawang libo ang kanta sa loob nito. minsan, shuffle lang ang ginagawa ko. madalas e pinapakinggan ko ang iba-ibang playlists na ginawa ko. share ko sa inyo ang ilan sa paborito kong pakinggan na sumasalamin din sa ibang nararamdaman ko sa buhay, pananaw sa pamumuhay, etc.

  • What a wonderful world ni Louis Armstrong. Sa dinami-dami ng problemang nangyayari sa iba't-ibang parte ng mundo, umupo ka lang ng limang minuto, huminga ng malalim at pagmasdan ang iyong paligid. "And I think to myself, what a wonderful world".
  • Sa Piling Mo ni Bayang Barrios mula sa album na ALON. Si Paeng ang nagpakilala sa akin nito. Niregaluhan niya ako ng cd at dinala ko dito. At nakilala ko si Bayang Barrios nang minsang pumunta kami sa Conspiracy nitong August lang. Starstrucked ako. Hahaha. Nakakainlab talaga itong kantang ito. "Marahil tayong dalawa, ginuhit na maging isa, magkaagapay habang buhay, sa habang panahon magkapiling".
  • Happy ng Square Heads. Una ko yata itong narinig nung maimbitahan kaming dumalo sa debut ng dating gf ng kapatid ni paeng. Masaya siyang kanta at talaga namang mapapaindak ka. At ako ay isang indakera(?) to the bone. Labo. Pag narinig mo ito, malabong hindi ka mapasabay sa tugtog. Talon-talon ka na lang habang binibigkas ang "I'm gonna be happy". Kung hindi ka pa ba naman magiging masaya niyan, ewan ko na lang.
  • Someday We'll Know na version nina Mandy Moore at Jonathan Foreman. Hindi ko alam kung paano at bakit nagsimula na maging karaoke-goers kami ni paeng. Kaming dalawa lang. Sintunado ako at hindi rin naman maganda boses niya, kaya walang hiyaan. Birit kong birit. At itong kantang ito ay hindi nawawala sa repertoire namin. Title pa lang maganda na at hindi lang natin pwedeng i-limit sa aspeto ng pag-ibig kundi pati na rin sa buhay.
  • Mirai ng Mr. Children at Yozora no Mukou na version ng SMAP. Dalawang kantang hapon na hindi rin nawawala sa listahan ng kinakanta ko tuwing nagpupunta ako sa karaoke. Ang ibig sabihin ng Mirai ay "future". May line dun na "umaretate no bokura no mae ni ha tada hateshinai mirai ga atte, sore wo shinjutereba nani mo osorezu ni irareta" na kapag tinaranslate ko ay "tayong mga isinilang ay may naghihintay na hinaharap na may di mabilang na posibilidad, at kung paniniwalaan natin ito, wala tayong dapat ikatakot" ang panget ko talagang magtranslate. Ang ibig sabihin naman ng yozora no mukou ay "beyond the night sky" (nahirapan ako sa tagalog, kakahiya). ang kanta ay tungkol sa magjowa na nagwa-wonder kung anong meron para sa kanila sa hinaharap.
  • Paano ng APO Hiking Society. Lahat ng kanta ng APO peyborit ko. Pero ito ang pinakanaaalala ko dahil nakita ko ang video nito sa channel 5 pa yata. matagal na panahon na. At si Chin-chin Gutierrez ang artista.
  • Kaleidoscope World ni Francis Magalona. Maniwala kayo, kinakanta ko rin ito sa karaoke. Pinapakita ang iba't-ibang klaseng tao, iba't-ibang uri ng tao, ang mga dibisyon sa pamumuhay na maaring natural o man-made. "Every color, every hue, is represented by me and you".

********************

ang hirap pala gumawa nito. ang dami ko pang pwedeng ilista pero tama na. at para sa papasahan ko, parang halos lahat ng nasa list ko e nakagawa na. paeng gawa ka nga nito. mami ghee, pag hindi ka rin masyadong busy ha. si lojika din dahil october na at dapat gising na siya.

Sunday, October 01, 2006

wagi ako! kagabi habang nagba-bike ako pag-uwi, naglalaro sa aking isipan ang kantang "ako ang nagwagi". naparaos ko na kasi ang unang colloqium. natapos kahapon ang poster session namin. ang isa kong pinagsisisihan e naghabol ako ng oras kaya nakalimutan ko ang aking camera. wala akong sariling piktyur.

balik tayo sa poster session. 20mins para ayusin ang poster, isang oras na babantayan at maghihintay sa mga magbabasa at magtatanong, at 20mins ulit para magligpit ang nakalaan na oras bawat estudyante. natuwa ako dahil nasa first shift ako at naisip ko na wala pang masyadong tao, walang magtatanong, wala masyadong hassle.

pero nang matapos akong mag-ayos nung gabi bago ang takdang araw, naisip ko ulit na sayang naman ang pinaghirapan ko. nagbuhos ako ng effort para dito. mahabang oras din ang ginugol ko. at masasayang siya kung wala man lang kahit isang tao na lalapit sa poster ko na magbabasa at magtatanong. at natapos ang shift ko at naramdaman ko ang satisfaction. hindi naman nasayang ang pagod ko. dumating ang ibang coursemates, nagbasa at nagtanong. dumaan ang mga sensei, humingi ng paliwang at kasagutan. at masasabi ko na, isa akong wagi kahapon.

por dat, dapat hanggang january ako ay busy, busy, busy (academically).

blogger templates | Make Money Online