Wednesday, February 21, 2007

nangako ang ate ni karen na bibilhan siya nito ng bagong bag. isang magandang bag na hindi naman luho, kailangan talaga niya ito para sa iskul. sira na ang bag na regalo sa kaniya tatlong pasko na ang nagdaan. bukod sa sira na ang zipper nito, nahuhulog na rin ang bolpen niya mula sa loob ng bag dahil may butas na ito at hindi na niya ito matahi pa.

sabado ngayon at sweldo kahapon ng ate niya. noong isang linggo pa siya nagpaparinig. baka kasi nakalimutan na nito. excited na siyang talaga. dumaan siya isang beses sa mall at may nakita siyang magandang bag. mukhang matibay. mukhang magagamit niya ng mahabang panahon din. at higit sa lahat, naka-sale ito.

kaya naman maaga siyang nagising. nagluto siya ng agahan. ipagtitimpla niya ang ate niya ng masarap ng kape na may gatas. paborito niya iyon. at pagkatapos, tulad ng nakagawian na nilang dalawa, lalabas sila ng bahay at mamasyal.

pagkagising ng ate niya, nagsimula na silang mag-almusal. "mukhang pagod pa rin si ate," naisip niya. "may problema kaya?" habang umiinom ng kape, tinanong niya sa kanyang ate, "saan tayo pupunta mamaya? bibili na ba tayo ng bag ko? may nakita akong naka-sale, ate, sa mall. doon na lang tayo pumunta." tapos balik na lang tayo agad dito sa bahay para kumain, para konti lang ang gastos, sunod niyang naisip.

napansin niyang parang wala sa sarili ang kanyang ate. naka-angat lang ang tasa ng kape pero hindi naman niya ito iniinom. parang ang lalim ng iniisip nito.

"ading, wag muna tayong bumili ng bag. may problema sa opis e. hindi nabigay ang sweldo kahapon. sa susunod na lang na linggo ha," parang mas malungkot pa ang boses ng ate niya. parang mas apektado pa at hindi sila makakabili ng bag.

tumango na lang siya at ngumiti.

naisip niya sa susunod na linggo, maraming kailangang bayaran sa bahay: renta, kuryente, tubig. sabay-sabay na naman iyon. hindi na naman sila makakabili ng bag, alam niya iyon. pero wala naman siyang magagawa.

pagkatapos niyang maghugas at maglinis ng bahay, maghahanap siya ng retaso. baka may mga tela sa kabinet na pwede niyang gupitan. maliit lang naman. yung kulay itim. para hindi halatang may tapal ang bag niya.

3 Comments:

manilenya said...

lipat na natin ito sa manilenya, at least kahit may tapal ang bag nasa manilenya ka naman, o baka naman bibili ka ng sariling domain kaya hindi ka makabili ng bag? lol!!

nakita ko yung tanong mo tungkol sa kung bakit ako umalis ng pinas sagutin ko maya linis muna ako ng bahay ng mga amo ko :)

ghee said...

ano to Ria,non fiction or fiction?galing mong magkwento,nakakalungkot ah :)

sige,pasasayahin kita,silipin mo na lang si ii otoko sa blog ko :)

tets said...

hoy ate. pa fiction fiction ka pa dyan. hindi bag pinapabili ko no. mac book. ibili mo ko nun ha! titimplahan kita ng kape na gawa sa nescafe gold.

blogger templates | Make Money Online