Thursday, April 26, 2007

Balik-tanaw sa isang buwang nagdaan

Isang buwan na rin akong tambay dito sa bahay. Lumalabas para magpa-aircon o kaya ay para gumimik. Mahirap pala itong may trabaho ka nga, pero hindi pa lang nagsisimula. Walang magawa kundi hintaying magpalit ang mga araw. Mabuti na rin siguro dahil may mga naiwang trabaho pa mula sa dating buhay.

Dating buhay... Ano ba pinagkaiba nito sa buhay ko sa kasalukuyan?

Dependent na naman ako. Sa halos 3 taon ko sa Japan, alaga ko sarili ko - pagkain, social activities, gawaing bahay. Ako lang, ako, ako. Ngayon, ilalagay ko ang nagamit na damit sa labahan, may mag-iisip kung anong iluluto mula almusal hanggang hapunan, may magtitimpla ng kape. Kung kelan ako naging 27, saka naman ako bumalik sa bahay ng parents ko.

May nag-aalaga na ulit sa akin. Oo, 27 na ako. Sa edad na ito, hindi na nakakagulat kung may inaalagaan na rin ako. Pero sa ngayon, ako ay isa pa ring alagain. Hindi ko na kailangang isipin kung may kakainin pa ba o anong kakainin. Hindi sa akin nakadepende kung paano pagkakasyahin ang budget. May mapapakiusapan akong magtimpla ng kape.

Nang nasa Japan ako, marami akong namimiss sa Pinas. At ngayong nasa Pinas naman ako, e may namimiss din ako siyempre sa Japan. "Sala sa init, sala sa lamig" ba ang tawag dito? Mahirap talagang makuntento sa buhay, unless magdecide ka na makuntento.

At ako ay desidido...

Monday, April 16, 2007

Kumukutitap na Coastal Road

nabalitaan ko na mayroong World Light Expo mula sa kapwa skolar sa kyoto nang siya ay bumalik sa japan pagkatapos ng isang buwang bakasyon. sabi niya, mas maganda pa sa mga ilaw sa Kobe tuwing disyembre. siyempre dahil sa ganitong press release, kinailangan kong pumunta dito. at kahit may kalayuan ang coastal road sa caloocan (at dumaan pa ako sa makati bago pumunta dun), tinyaga pa rin namin, kahit pagod na from work, meeting, sayaw, at karaoke.

siguro dahil may ipon akong konti kaya naiisip ko na sulit naman ang binayad kong 200 pesos bilang entrance fee. may mini-concert, may laser light shows, at kung ano-ano pang display. dalawang beses may fireworks display. kung iisipin ang ginagastos ng organizers sa kuryente, space, employees, parang malulugi batay sa tao na kasabay namin. sabado na kasi iyon pero nakakapagpicture pa rin ako ng walang sagabal at singit.

sana madalas na may mga ganitong papasyalan ang pamilya. sana rin medyo kaya ng bulsa ni tatay. at kung may mga kamag-anak kayo, pwede niyong irekomenda ito. at bilang pang-enganyo, ito ang mga kuha ko sa tulong ni hobi-chan.

Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket

Isang blah entry

tatlong sabado na ang lumipas pagkatapos kung bumalik. hindi ko masasabing nag-aadjust pa rin ako. pero hindi ko rin masasabing normal na ang buhay ko dito. sa hindi maiiwasang pangyayari ay may mga naiwan pa akong trabaho. wala na naman itong kinalaman sa pag-aaral. paunti-unting raket, habang siguro wala pa akong regular ng trabaho dito.

speaking of trabaho, simula june, sa pagsisimula ng klase, magsisimula na naman ako sa bagong paglalakbay. bagong paglalakbay na ito kahit na nagsimula na akong tahakin ang daan na ito, naudlot nga lang dahil pumunta ako sa japan. at ibang riadiosa na yung maglalakad sa landas na ito. hopefully, mas mature, mas maalam at mas karapat-dapat.

kahit na ma...ba...gal ang koneksyon ko, susubukan ko pa ring magsulat dito at bisitahin ang mga bahay niyo. sabi nga ni mami ghee, ibang ihip na ng hangin ang ikukuwento ko. hangin na minsan ng naranasan ng marami sa aking mga kablog, at malamang na hinahanap-hanap niyo din. kaya daan-daan lang kayo dito ;)

Thursday, April 05, 2007

hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis sa nasaksihan kong eksensa kanina sa isang grocery store. nasa cashier na kami at sa katabing counter ay may maingay na customer. wala naman kaming ginagawa kundi bantayan yung pagpunch ng mga binili namin kaya naman nakinig na rin kami sa tinatalak ng customer na iyon.

nagrereklamo ang customer dahil may sinabihan siyang bagger boy na magpapassist siya sa kanyang groceries. ang nangyari yata ay umalis ang bagger boy at nung makadaan ulit sa counter e saka siya inokra-okray nung lalake. bakit daw ganun ang ginawa ng bagger boy, hindi siya inassist. dapat daw inaassist ang customer. hindi ko naririnig yung sinasabi ng kawawang bagger boy, malamang nilalamon na ng pagkapahiya. naisip ko nung una, bakit naman hindi tinulungan nung bagger boy yung customer, lalo na kung humingi ito ng assistance?

tinanong na ng customer kung nasaan ang manager. panay ang banggit niya ng "ay hindi. hindi ganun yun." (nalaman ko na lang sa kapatid ko na sinasabi ng bagger boy na may policy sila na kung sino ang assigned dun sa counter siya ang bahala dun at nung time na yun ay hindi sya ang toka sa counter). nang dumating na ang manager, nagtatalak na naman ang customer. nawala ang amor ko dun sa customer (na feeling ko bading) dahil sinabi niya "hindi mo ba papagalitan ito (yung bagger boy) sa harap ko?" napa-pucha tuloy ako ng mahina. yung lang ba ang habol nung customer? dahil nakagawa na siya ng eksena dun, tatapusin lang niya iyon kapag napagalitan sa harap niya yung bagger, dahil kung hindi siya ang magiging kahiya-hiya. ang sinasabi ng manager ay parang pagsasabihan niya ang empleyado niya pero hindi sa harap ng maraming tao dahil nga napapahiya na ito.

hay! hindi talaga totoo na the customer is always right. may mga tao talagang abusado, spoiled, at mataas ang tingin sa sarili at nangmamata lang ng ibang tao!

Sunday, April 01, 2007

sa bagal ng internet ko dito sa bahay, nakakatamad mag-internet. back to basic ako, pagchecheck lang ng internet. paminsan-minsan nakakapag-online sa YM pero para lamang malaman kung may nag-iwan sa akin ng offline message. may mga iniwan pa akong gawain mula sa japan at aligaga pa ako. kapag hindi naayos yung mga iyon ay hindi ko alam ang gagawin ko pagkatapos kong maiuntog ang ulo ko sa pader.

kalagitnaan na ng campaign period dito sa pinas. bukod pa sa ingay ng sasakyan sa kalsada, sa sigawan ng mga batang naglalaro, hindi rin nahihinto ang mga jingle ng kandidato. makikita mo rin ang mga mukha nilang nakapaskil sa mga poste at pader, at kahit sawang-sawa ka na, makikita mo pa rin sila sa TV.

mahigit isang buwan pa ang hihintayin bago mag-eleksyon. panibagong gulo na naman matapos ang eleksyon. nakasabay pa sa init ng panahon ang init ng pangangampanya. kahit siguro nakakatunaw ang init, matitiis ko. itong campaign period, di ko talaga ma-take!

blogger templates | Make Money Online