Thursday, November 29, 2007

OA kayo ha!

Curfew from 12am to 5am simula ngayon...

Pagsira ng isang entrance ng Manila Peninsula para makapasok ang isang tangke sa lobby ng hotel.

Daan-daang armadong sundalo.

Tear gas sa hotel.

Pagposas sa mga media people na nagko-cover ng event.

Dahil sa pagwalk-out nina Trillanes at Lim at manawagan sa ating mga Pilipino na mamulat na sa katotohanan at magwithdraw ng suporta sa kasalukuyang pamahalaan...

May mga makukulit na nagtatanong. Nagpapaka-hero na naman ba sina Trillanes, et al, dahil National Heroes Day bukas?

Tuesday, November 27, 2007

Hilo, lindol, windang

Lumindol kanina! At naramdaman ko... Huli akong nakaramdam ng lindol nung 2004, sa Japan. Biglaan yun, mabilis, isang sundot lang. Yung lindol kanina, nakakahilo. Akala ko, nahihilo lang ako dahil sa pusit flakes na kinain ko. But no, naramdaman din ng mga katabi ko. Malakas pala sa norte. Sana ok lang ang mga kababayan natin doon...

Bakit kung kelan talaga malapit na ang pasko, madaming di magandang nangyayari. Ayan nga, lindol. Tapos nagsasayawan pa sina Mina at Lando. At sisingit naman si Nonoy. Ano ba naman yan. Sino ba naman ang hindi mawiwindang?

Eniweys, hindi masyadong malakas ang ulan dito sa caloocan. Malamig. Masarap lang uminom ng barako at magrelax. Hihihi.

Monday, November 26, 2007

Limang bagay na pwedeng ipalit sa ginagawa ko ngayon (as in now!)

1. matulog hanggang tanghali bukas (kaso 7am ang klase ko)
2. manood ng grey's anatomy, heroes, at how i met your mother
3. mag-isip ng study plan para sa phd (uy, advance... excited)
4. basahin yung libro na Uh-oh (nasimulan ko na, di ko matapos)
5. maghilamos (kaso di pwede kasi pagod mata ko, baka lalong lumaba ang aking mata)

balik sa trabaho. wala pa akong lektyur bukas. bwahahaha...

Thursday, November 22, 2007

Tuwing umuulan...

...na hindi ka kapiling. Charing. Hindi ito isang senti post dahil umuulan. Isa itong post para makapagpost lang. Haha. Panget.

Nakakalungkot naman ang ibang kababayan natin na nasa bicol at visayan region. Nakatikim na naman mula kay inang kalikasan. Palagi na lang sila. Samantalang ang iba, nag-iisip kung may pasok bukas (kasama na ako).

Tumutulo dito sa bahay namin. Kainis. Nakailang ayos na ito. Sayang ang ginagastos. Parang itong koneksyon namin sa internet. Palpak ang serbisyo. Bakit ba yung perang pinagtatrabahuhan mo na ginagastos sa mga bagay-bagay minsan hindi mo nakukuha ang tamang serbisyo. Nakakairita yung feeling na naka-isa sila sa iyo.

Kakainom ko lang ng kapeng barako. Kaya kahit maaga akong gumising kanina at buong araw nagtrabaho, nandito pa rin gising sa harap ng kompyuter. Dapat siguro, tiyagain ko nang basahin yung mga sinulat ng estudyante ko. Makapal-kapal na rin yun.

Kapag umuulan talaga, bumabaha ang ideas. May naisip na akong regalo para sa friends. Gimik para sa KTD 2008. Aktibidades para sa klase. Sana lang hindi ko makalimutan.

Ano naman ang drama niyo kapag umuulan?

Tuesday, November 20, 2007

bakit naman sobrang busy ngayon? gusto kong maglakad. gusto kong magbasa ng libro na hindi ko kailangang basahin. gusto kong umupo sa isang lugar na mahangin at mapuno para naman guminhawa ang pakiramdam mo.

ang tagal ng christmas break.

i want one now!

Thursday, November 15, 2007

umuulan...
ang sarap magbabad sa kama,
mas masarap kung may kasama.

Monday, November 12, 2007

Break muna

Dapat natutulog na ako kasi alas-siyete ang klase ko bukas. Tatlong sunod-sunod na klase. Sa isang klase pa lang ako may naihanda. Naghahanap pa ako ng ichichika dun sa dalawa. Dapat nagrereview din ako.

Nalulungkot din ako. Sino ba naman ang hindi makakaramdam ng lungkot sa mga binabalita ngayon? Pero hindi pwedeng magpakababad sa lungkot.

Buti na lang at sa academe ako nagtatrabaho. Iba't-ibang tao ang nakakasalamuha at nakikilala ko. Gusto ko lang i-share sa inyo ang first day ko.

Nagklase na ako kanina sa Japanese. Binigay ko lang naman ang aming silabus at pinadugo ko lang ang utak ng mga estudyante ko sa isang diagnostic test. Para alam nila na seryoso ako sa ginagawa ko kahit na madali kaming maging friendships. Eniweys, pagkatapos ng eksam, pinagsulat ko sila ng info card.

Hiningi ko ang basic na info tulad ng contact numbers, rason kung bakit sila nag-aaral ng japanese, talents, at expectations sa klase. Dati hinihingi ko rin kung ano ang expected grade nila. Lahat gusto ng uno. Walang paltos yan. Narealize ko nito lang na nalilito sila sa expected at wish. Kaya binago ko ang tanong. Ano ang grade na willing nilang pagtrabahuhan.

Ayun na. Lumabas ang totoong kulay. Meron pa ding nagsulat ng uno. Pero pwede na sa iba ang 1.5, 1.75, at 2. Nilimitahan na nila agad ang sarili nila. Nakakalungkot naman. Kahit sabihin nilang may pagka-realistic sila. Nakakalungkot pa rin.

Wednesday, November 07, 2007

Comfort zone

Umaga pa lang kanina nagrereklamo na ako sa aking araw. Tuwing Miyerkules kasi ay nagtatrabaho ako sa foundation at nagtuturo din sa gabi. Pang-apat na beses ko pa lang magtuturo pero nakakaramdam na ako ng irita. Bukod kasi sa pagtuturo, kailangan pa ng matinding preparasyon. Mas matindi pa sa preparasyong ginagawa ko sa skul. Dito kasi sa foundation kailangang may lesson plan. Every session din, may nag-oobserve sa klase at may comments pagkatapos. Marami tuloy pumapasok sa isip ko na hindi kagandahan.

At pagkatapos kong huminga ng malalim at basahin itong entry ni father jboy, hinarap ko na ang dapat kong gawin.

Hindi natin nakikita ang lahat ng pwede at kaya nating gawin. Nagpapasalamat ako actually na kahit hindi kami matagal na nagkasama sa pagtatrabaho, nirekomenda pa rin ng isang teacher dito sa foundation. Ibig sabihin kaya may nakita siya sa akin na dapat at magandang idevelop? At hindi rin natatapos dito ang aking mga gawain, dahil hinihingi ang aking opinyon, at kinokonsidera din ako sa iba pang activities.

Narealize ko din na isa lang itong challenge. Ngayon lang kasi ako umalis sa aking comfort zone. Simula ng makagradweyt ako ng BA, nagtry na agad akong mag-MA at magturo sa department kung saan ako nanggaling. Kilala ko na ang mga tao. Familiar set-up. Wala masyadong adjustments. Hindi katulad ngayon.

Nagtatrabo ako kasama ang mga Japanese. May ibang kultura at may ibang work ethics. Ang dami ko ngayong ginagawa na never kong ginawa sa skul. Na madalas tinatanong ko kung kailangan ba talaga. Madalas na sinasagot ko din na, oo kailangan. Dapat. Kahit di na ako magpasampal sa iba para matauhan. Dumarating na lang ang dahilan kung bakit kailangan kong ipagpatuloy ang mga nasimulan kong gawain.

At sana kapag dumating ang araw tulad ngayon, kahit makaramdam ako ng negatibo tungkol sa mga ginagawa ko, ay marealize ko tulad ngayon ang magandang naidudulot sa akin nito. At ang magandang maibabahagi ko sa ibang tao dahil din dito.

Sunday, November 04, 2007

KTD 2008

Isa at kalahating buwan na rin ang nakalipas ng (sa wakas ay) magpropose na rin ang aking long time boyfriend. yes! we are finally doing it. at para patunayan na wala na itong urungan at talagang mangyayari na next year, nagpareserve na kami ng date sa Church of Holy Sacrifice sa may UP. Unang perang lumabas para sa event next year na aking tatawaging Kasalan ng Tambay at Dyosa 2008 o KTD 2008.

Paminsan-minsan mag-uupdate din ako. Para maishare ko, makachismis kayo, o kung kakailanganin kong magrelease. Hehehe. Sa ngayon, bisita ang malaking nagbibigay sa akin ng sakit ng ulo. Kapag may budget na hindi naman malaki, hindi pwedeng imbitahan ang buong angkan, buong barangay. Ilang beses na rin akong nairita kapag ito ang pinag-uusapan namin.

Basta ok na ang church. Matagal na rin naming napag-usapan na sa Holy Sacrifice talaga kami magwalk down the aisle. A month and a half after the proposal, we have made progress! More stories next time.

Thursday, November 01, 2007

Telenovela

Ako ay hooked sa isang telenovela ng GMA, ang Hwang Jini. Katatapos ko lang manood kanina at nakakaiyak ang episode. Matagal-tagal na rin akong hindi naiiyak sa mga palabas sa tv.

Base sa aking internet research, totoong tao pala si Hwang Jini. Isang kisaeng, na sa aking intindi ay maihahalintulad sa isang geisha ng Japan. Mga babaeng nagpapakabihasa sa iba't-ibang klase ng arte na hindi maaaring magmahal. Chorva no?

Tragic ang episode kanina. Namatay ang first love ni Jini. Parang pinipiga ang puso ko sa mga linya nila. Dahil sa pagkamatay ng first love ni Jini ay nagdesisyon ito na kakayanin na nitong maging isang kisaeng, nagpapamalas ng kanyang kaalaman sa arte, maaaring maangkin ng kahit sino sa tamang halaga, pero hindi na papayagan pang ma-involve muli ang kanyang puso. Perfect ingredients para sa isang palabas na aking susubaybayan.

blogger templates | Make Money Online