waaah! natabunan na ako ng mga last-minute na kailangang gawin bago umalis. well, hindi pa pala last-minute kasi may isang linggo pa naman ako dito. pero sa isang linggo na iyon kailangang isiksik ang pagpapaalam, pag-aayos ng gamit, isa pang trabaho, graduation, graduation party, at pictorials dito sa kyoto. i am so happy that i'm so busy.
pero kagabi naisip ko na sobrang pagod ito (nakakaidlip na nga habang may kachat) at kung pwede bang sa isang iglap e maayos na ang gamit, magtipon sa isang lugar ang mga taong kailangan kong makita para magkaroon ako ng oras para magpaalam sa kyoto, sa buhay ko dito, at sa diyosang dalawang taong tumira dito.
ang daming nangyayari dito. pero isa sa hindi ko inasahan ay ang pagpatak muli ng snow. ang tahimik kaninang paggising ko. nang buksan ko ang bintana ay para na naman akong bata na sumaya dahil sa andyan ang snow. pumapatak nang tahimik at binabalot ang kapaligiran ng isang misteryo. kung hindi lang malamig at wala lang akong kailangang gawin dito sa loob ng kwarto e bumaba na ako, pumunta sa park at umupo at nagmuni-muni.
pero dahil malamig talaga, nagkasya na lang ako sa pagkuha ng picture sa labas ng kwarto namin. share ko na lang sa inyo at pasensya na kung puro bubong yan. hehehe.
Sunday, March 18, 2007
Posted by ria at 7:40:00 AM 1 comments
Tuesday, February 27, 2007
noong nakaraang linggo ay naganap ang plum blossom festival sa kitano tenmangu shrine. isang shrine na dinadaanan ko kapag ako'y pumupunta sa skul. last year ko lang nalaman na isa sa dinadayo dito ay ang plum blossoms. last year, nagkataon lang na maganda ang panahon kaya nagdecide akong maglakad at may bitbit din akong kamera kaya naman ang dami kong nakuhang pictures. ngayong taon, pumunta kami sa shrine sakto sa pagdiriwang ng festival. hindi pa masyadong namumulaklak ang mga plum. pero ang dami pa ring pumunta, dahil festival nga.
bukod sa plum, ang kitano tenmangu shrine ay puntahan din ng mga estudyante para magdasal na makapasa sa kanilang mga examination. ang deity dito ay si michizane sugawara, kilala bilang patron ng pag-aaral at mahilig siya sa plum.
nung feb.25 ang araw ng kanyang kamatayan. bilang pag-alala, may malaking event sa shrine, bukod pa sa buwanang bazaar, may mga maiko din na nagserve ng tea (hindi na ako pumunta dun dahil kailangang magbayad). wala akong naabutang performance. sayang. hirap na hirap akong sumilip sa lugar kung saan ginaganap ang tea ceremony. siksikan kami ng ibang japanese (may kuripot din palang japanese).
enjoy niyo na lang ang ilang pictures na nakuha ko.
Posted by ria at 10:03:00 AM 3 comments
Thursday, February 22, 2007
Takarazuka
(wow may title ang entry!)
dahil sa ilang linggo na lang ay ipapatapon na ako pabalik sa pinas, asal turista na naman ako. ang aking misyon sa nalalabing panahon dito sa japan ay maglagwatsa, magpapiktyur, at ma-experience ang mga bagay na wala sa pinas. magastos, oo. pero hindi ko alam kung kelan ako ulit makakabalik dito kaya sasamantalahin ko na ang pagkakataon. at isa pa, ano naman ang gagawin sa pera? (bwahahaha! ang rich ng dating!)
eniweys, isa akong turista ngayong araw. pumunta ako sa takarazuka, sa may osaka kung saan may isang grupo ng artist dun na may parehong pangalan sa lugar. ang TAKARAZUKA ay grupo ng performers kung saan lahat ng miyembro ay babae. at yung mga babae na nasa role ng lalaki, e parang lalaki talaga. hindi yung tipong brusko. parang mga lalaking japanese na napapanood ko sa tv na lelembot-lembot (pero hindi naman gay). naisip ko tuloy na ang male roles sa takarazuka ang siyang inspirasyon kung paano sumayaw o kumilos ang ibang lalaking artista dito, katulad ni kimura takuya at jun matsumoto.hindi naman nasayang ang pinambili ko ng tiket (3,500yen). tatlong oras kami sa theater, sa pinakalikod. kaya lang sa upuan namin hindi ko na makita kung paano ang make-up ng performers. ang layo naman kasi. muntik ko nang sabihin sa kasama ko na lumipat kami sa mas harap kasi hindi naman puno yung theater. aba, bago ko pa nasabi, may gumawa na, isang grupo ng mga babae. mula dun sa parehong linya namin pumunta sila sa pinaka-unang row ng box namin. iba na ang presyo ng tiket dun. kaso ilang sandali lang, may lumapit na usherette sa kanila at pinabalik sila. kakahiya.
dalawang palabas ang napanood namin. isang detective story at isang sayawan. natuwa talaga ako. ang ganda ng stage! bongga! umiikot, tumataas, bumababa. ang at design, ilaw, panalo! at may live orchestra! ilang beses kong nilabas ang camera ko at phone para kumuha ng piktyur kaso may nakabantay sa likod.
panalo din ang costume. maganda ang production. parang very, very, very special, with a very, very, very big budget na GMA Supershow! pero totoo, na-appreciate ko ang napanood ko. at halata sa kilos ng mga performer ang disiplina nila para sa pinasok nilang career.
ang sarap maging turista. at least naranasan ko ito. meron pang kabuki at sumo. pero hindi ko alam kung kakayanin pa. malalaman niyo na lang dito sa blog. (binabalik ko lang pala yung perang natanggap ko sa nagbigay nito!)
Posted by ria at 9:25:00 PM 4 comments
Saturday, February 17, 2007
ilang mga larawan nung ako'y nagpunta sa tokyo para magsaya.
eto ang asakusa. yung unang picture ang entrance. makikita niyo yung malaking nakasabit na kulay pula na may dalawang chinese character. KAMINARIMON ang nakasulat dun na ang ibig sabihin ay THUNDER GATE (gate of thunder).
pagpasok dito ay gugulantang sa iyo ang iba't ibang tindahan ng pagkain, handicrafts, at marami pang iba. nung pumunta kami ay ginagawa ang sensoji temple. hindi ko na tuloy kinunan kasi tarpauline lang makikita. sa katabing pagoda na lang kami nagkodak moment ng aking mga kasama. sabi ng aming tour guide ito ang pangalawang pinakamataas na pagoda sa japan (ang una ay nandito sa kyoto). naghahanap ako ng pangalan pero wala sa mga sites na tinitingnan ko.
sulit na sulit ang aming lakad dyan. kumain pa kami ng manju (tinapay na may sweet beans sa loob) at nag-ice cream kami. kakaibang mga flavor: green tea, plum, blueberry, at yung sa akin, rose. sana may rose-flavored ice cream din sa pinas.
Posted by ria at 10:37:00 AM 2 comments